Ode to Joy/Lamentations
(sori, Ludwig van Beethoven)
Isang araw, natipuhan kong kainin ang fried chicken ng Ellen's
Kasi, wala lang
Dati kasi paborito ko ang Chicken Joy ng Jollibee
Chicken Joy ang naging saksi sa pagtatapos ng aking undergrad thesis
Na isang malaking pakyu sa mga nagpipilit na gumamit ako ng regression at benefit-cost analysis
Chicken Joy din ang naging kapiling nang unti-unting natagpuan ko ang aking kabuluhan sa mundo
Pero hayun, bumagsak ang piso mula 28 hanggang 36
Nagmahal ang Chicken Joy meal, lumiit ang parteng hita na inaasam-asam
At dahil ang Diet Coke na lang ang nakakabusog sa Chicken Joy meal at hindi ang chicken
Unti-unti na akong nagsawa at nasuya sa dating minamahal
Isang araw, natipuhan kong kainin ang fried chicken ng Ellen's
Kasi, wala lang
Kasi, ang mura pala ng isang pirasong manok
At ang laki pa kada piraso
Bakit ko nga ba hindi ito pinupuntahan noon?
Nagsimula sa paisa-isa
Pandugtong sa tanghalian na puro ininit
Di lumaon, ang isa ay naging dalawa
Kasama sa panonood ng replay ng Larry King sa hapon
Ikinakain ang pagod sa maghapon
Ninguya ang bigat ng ulo
Di lumaon, ang minsanan ay naging kada linggo
Ang kada linggo ay naging kada araw
Ang kada araw ay naging ritwal
Ang ritwal ay naging relihiyon
Ang relihiyon ay nakakahele
Ang relihiyon ay pader
Ang relihiyon ay karamay
Ang relihiyon ay lason
Ang utak ay pinatulog
Ang bibig ay naging makina
Ang kamay ay sandata
Ang katawa'y nahimlay
Di na 'ko matuto-tuto
Sinabi nang sawa na ako sa prito
Sinabihan na nga na ang sobrang protina at prito ay kamatayan
Ngunit ang nalalapit na kamatayan ay sulyap sa isang masarap na pangako
Kaya hayun, laman pa rin ng bibig ko ang manok
Ngipin sa hibla, labi sa mantika
E anong magagawa ko kung talagang paborito ko ang fried chicken
Pero puta, araw-araw na ginawa ng diyos
Ito na lang nang ito ang laman ng tiyan ko
Lumalaki na ang puson ko, amoy-maasim na ako
Tuluyang kinalimutan ang gulay
Palaging sira ang tiyan
Panay ang lagok ng Coke Light para matanggal ang alat at suya
Sawang-sawa na ako sa kulay
Suyang-suya na ako sa lasa
Nagkakandarapa na ang lalamunan
Nagrereklamo na ang sikmura
Hanggang isang araw, ang dumi ay nakitaan ng dugo
Payo ng doktor, tama na ang fried chicken
Marami pang ibang luto ng manok diyan
O baka naman gusto mong mag-gulay?
Kaya heto, vegetarian na ako
Kahit labag sa kalooban, nakigaya na sa kuneho
Ang hibla ng manok ay napalitan ng hibla ng petsay
Ang mantika ay initsapwera, oyster sauce na ang nalalasap
Maraming buwan ang lumipas
Ako'y naggawi sa isang halos-nalimutan nang lugar
Tumambad sa akin ang naghalong amoy-masangsang at sunog
Nasunog pala ang gusali ng Ellen's Fried Chicken
Naisip ko tuloy ang lahat ng manok na sabay-sabay na naprito nang di-oras
Ilang tiyan din kung sakali ang dapat nabusog nung araw na 'yon
Bumaba ako ng bus sa may Mercury sa Crossing, galing ng Quezon City
Naghahanap ng dyip na masasakyan
Mukhang sa may kanto pa ng El Danda ako makakasuwerte
Maraming naka-dilaw na nakakalat
Nang biglang napatingin ako sa kanan ko
Ako'y natigilan, napangiti at nabahala
Nakalimutan ko nga palang
May Ellen's Fried Chicken din nga pala sa Crossing.
0 Comments:
Enregistrer un commentaire
<< Home