<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar.g?targetBlogID\x3d5510640\x26blogName\x3dbananaducky\x26publishMode\x3dPUBLISH_MODE_BLOGSPOT\x26navbarType\x3dBLUE\x26layoutType\x3dCLASSIC\x26searchRoot\x3dhttps://bananaducky.blogspot.com/search\x26blogLocale\x3dfr_FR\x26v\x3d2\x26homepageUrl\x3dhttp://bananaducky.blogspot.com/\x26vt\x3d-3800302331303502530', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>

jeudi, septembre 29, 2005

Spring cleaning

I
Sabihin mo sa utak mo
Na sabihin sa mga kamay mo
Na itulak patayo ang mantika mong katawan.

Sabihin mo sa utak mo
Na sabihin sa mga paa mo
Na idiin ang talampakan sa nagaalangan na sahig.

Sabihin mo sa utak mo
Na sabihin sa mata mo
Na pasayawin na ng talukap ang pilik-mata.

Sabihin mo sa utak mo
Na sabihin sa puso mo
Na hindi sila maghihiwalay kailanman.


II
Noon pa ako nila kinukulit
‘Tumula ka na, magkuwento ka na’
Ewan ko kung tamad lang ako o ano
Ako’y kilala sa pagiging tamad
Tamad mag-imis ng kama, tamad mag-tsek ng papel.
Tamad bumangon kapag naiihi sa gitna ng pagtulog
Tamad kamutin ang kati sa talampakan habang nanood ng TV.

Oo, paunti-unti akong may sinusulat
Pero yun ang akala nila
Ako’y nagpapanggap lamang para tumahimik na sila.

Post-It na dilaw, likuran ng tiket sa bus
Likuran ng pahina ng thesis drafts
Kakontsaba ko ang bolpen
Kami’y naghahagikgikan sa aming panlilinlang.

Di naman ako poser, di naman ako ambisyosa
Alam kong may gusto akong sabihin
Kutob kong may kailangan akong isulat
Pero ako’y hanggang alam at kutob.

Di ko namamalayan
Na ang aking alam at kutob
Ay sawa nang nakakulong
Sawa na sa kakahintay
Para sa amo nilang matamlay.

Di ko namamalayan
Na ang aking alam at kutob
Ay nagsasagawa na pala ng rebelyon
Gusto na nilang tumiwalag
Gusto na nilang humiwalay.

Kumakatok na sila, nambubulabog, nagbasag ng pinggan
Nag-kilos protesta, nag-hunger strike, nag-hostage
Nag-petition, nakipag-dialogue, nanawagan
Tumawag, nag-fax, nag-e-mail
Nag-text, nagparamdam sa panaginip
Humangin nang malamig, nagmulto
Ayaw ko pa rin silang pakinggan.

Maliban sa araw na ito.